Walang ipatutupad na ‘no vaccination, no entry policy’ ang Philippine National Police (PNP) sa lahat nang kanilang mga kampo sa buong bansa.
Pero ayon kay PNP Chief General Dionardo Carlos, ipapaalala nya sa mga pulis at mga sibilyang tumutungo sa mga kampo ng PNP na sundin ang minimum health protocols o ang pasasailalim sa antigen test kung kinakailangan.
Para sa PNP chief, hindi maaring ipagbawal ang mga hindi bakunado sa loob ng mga kampo lalo’t importante ang serbisyo na kailangan mula sa PNP.
Ilan aniya rito ang pagkuha ng license to own and possess firearms sa PNP Firearms and Explosives Office, pagkuha ng lisensya ng mga security guards at permit ng mga security agency sa SOSIA at clearance ng mga sasakyan sa Highway Patrol Group.
Matatandaang una nang inihayag ng pamunuan ng PNP na ipapatupad ang ‘no jab, no duty policy’ sa kanilang mga tauhan.