PNP, hindi pa naglalabas ng permit para sa mga kilos-protesta sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President-elect Sara Duterte-Carpio

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na wala pang nilalabas na permit ang mga local government unit (LGU) para sa anumang protesta sa araw ng inagurasyon nina President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President-elect Sara Duterte-Carpio.

Sa press briefing ng PNP, sinabi ni PNP-Director for Operations Police Major General Valeriano de Leon na wala pang permit sa ngayon ang ini-isyu ng mga LGU tulad ng lungsod ng Maynila at Quezon City, kasama na rin ang Davao City.

Aniya, sisiguraduhin ng Civil Disturbance Management ng PNP na hindi makakalapit ang mga raliyista para magambala ang proseso ng panunumpa ng dalawang pinakamataas na lider ng bansa.


Una nang sinabi ni Manila Police District o MPD Chief Police Brigadier General Leo Francisco na nasa 7,000 hanggang 8,000 pulis ang ipapakalat para masiguro na mapayapa ang inagurasyon ni incoming President Marcos sa National Museum of the Philippines sa June 30.

Habang, inihahanda na ang San Pedro Square sa Davao City para sa inagurasyon ni incoming Vice President Sara Duterte-Carpio sa June 19.

Samantala, nagbabala na rin si PNP Officer-in-Charge (OIC) Police Lieutenant General Vicente Danao Jr., sa mga nagpoprotesta na aarestuhin ang mga ito kapag nakaharang sa trapiko at nasira ang mga ari-arian ng pamahalaan sa kanilang mga rally.

Facebook Comments