PNP, hindi pa rin nakatatanggap nang pormal na reklamo mula sa mga kababaihan na umano’y biktima ng sex for pass ng mga pulis

Wala pa ring natatangap na reklamo ang Philippine National Police (PNP) Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) kaugnay sa umano’y mga kababaihan na naging biktima ng sex for pass ng mga pulis na nagbabantay sa mga quarantine control points.

Ito ay matapos na lumabas ang ulat sa isang online media nang nakalipas na buwan na sinasabing nakapanayam nila ang mga biktima at inirereklamo ang ginawang pang-aabuso sa kanila ng mga pulis sa panahong mas mahigpit pa ang quarantine protocols dahil sa COVID-19.

Pero sa kabila ng kawalan ng mga reklamo, tiniyak ni Police Brigadier General Alessandro Abella, Chief ng PNP-WCPC na iimbestigahan nila ang reklamo para matukoy kung may katotohanan ito.


Direktiba rin ni Abella sa kanyang mga lower units na ipagpatuloy ang proactive measure para maprotektahan ang mga kababaihan at kabataan hindi lamang sa COVID-19, maging sa lahat ng uri nang pang-aabuso.

Sa kabila naman ng pangamba dahil sa COVID-19 ipinagmalaki ni Abella na mula March 16, 2020 hanggang June 15, 2020, nakapagsagawa sila ng imbestigasyon sa mahigit limang libong kasong pang-aabuso.

Sa mga kasong ito, mahigit tatlong libong suspek ang naaresto habang mahigit tatlong libo pa ay isinailalim sa inquest proceedings.

Facebook Comments