
Hinigpitan ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad sa mga energy facilities kasunod ng deklarasyon ng national energy emergency.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., naka-focus ang PNP sa pagtitiyak ng seguridad ng mga energy facilities kasama na rito ang pagdagdag ng mga personnel na ide-deploy sa mga pangunahing lugar para maiwasan ang posibleng mangyaring kaguluhan dulot ng sitwasyon.
Ayon kay Nartatez, pananatilihin din ng organisasyon ang presensya ng kapulisan sa mga gas stations at energy plants para siguraduhin na hindi maaantala ang suplay.
Tiniyak din ni Nartatez na mananatiling maaasahan ang kapulisan 24/7 kahit na may energy emergency kung saan kasama sa mga hakbang nito ang back up power systems sa mga estasyon.
Dagdag pa niya ay patataasin rin ang pagsasagawa ng mga night patrols sa mga apektadong komunidad para iwasan ang anumang krimen dulot ng posibleng pag-brown out.
Sakaling magka-brown out ay nagpaalala rin ito sa publiko na maging alerto lalo na sa gabi, siguraduhin na laging naka-lock ang mga pinto at huwag mag-iwan ng kandila nang walang bantay.










