Humihiling ang Philippine National Police (PNP) sa Facebook ng listahan ng mga account at page na may kaugnayan sa police at militar na kanilang binura dahil sa ‘coordinated inauthentic behavior.’
Ayon kay PNP Spokesman Police Colonel Ysmael Yu, naghihintay pa sila ng update sa Facebook kung anong partikular na FB account at page ang natukoy na nagpapakalat ng pekeng balita.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang PNP Anti-Cybercrime Group at Information Technology Management Service tungkol dito.
Matatandaan na umabot sa mahigit 100 Facebook account ang binura ng Facebook matapos makitaan ng mga paglabag.
Maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay nadismaya rito dahil pawang may adbokasiya para sa gobyerno ang mga account na nabura.
Matatandaang itinanggi ng parehong kampo ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang akusasyon at sinabing hindi sila konektado sa mga buradong Facebook account dahil sumusunod sila sa social media etiquette.