Wala pang napipili ang kampo ni Vice President Sara Duterte Carpio kung sino-sinong mga pulis ang ibabalik sa kanya bilang security detail.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Rommel Marbil, dahil dito, hindi pa rin napapalitan ang 31 pulis na naiwan sa ikalawang pangulo bilang kanyang security detail.
Maaalalang, inilipat kamakailan sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ang nasa 75 tauhan ng Police Security and Protection Group (PSPG) na dating naka-assign para sa pagbibigay seguridad kay VP Sara.
Pero tiniyak ni Marbil na ibabalik ng PNP ang mga pinagkakatiwalaang pulis ng bise presidente.
Paglilinaw nito, hindi 75 ang ibabalik nila na security detail ni Duterte bagkus tanging trusted cops lamang ang ibabalik nila kay VP Sara para maging komportable ito sa kanyang seguridad.
Kasunod nito, nanindigan si Marbil na walang banta sa buhay si VP Sara base sa kanilang threat assessment.
Nabatid na maliban sa 31 mga pulis ay may 400 pang mga sundalo ang nagbabantay sa pangalawang Pangulo.