Manila, Philippines – Hinikayat ng Philippine National Police ang ilang indibidwal na may mga hawak na hindi lisensiyado at hindi rehistradong baril na isuko muna ito sa malapit na istasyon ng pulisya.
Ayon kay PNP Spokesperson Senior Superintendent Bernard Banac, pansamantala munang iingatan at itatago ito ng mga otoridad dahil kanselado ngayon ang pagpaparehistro at pagpapa-renew ng lisensya.
Iginiit pa ni Banac, isa rin itong paraan para iwas huli lalo na ngayong umiiral ang gun ban sa buong bansa.
Matatandaan na sa datos ng PNP, 32 sa bilang ng mga nahuli ay pawang mga pulis habang 44 na lokal na opisyal din ang lumabag sa batas.
Ang nasabing panawagan ng opisyal ay bilang bahagi ng pina-igting na kampaniya ng pulisya kontra loose firearms na karaniwang ginagamit sa iba’t-ibang krimen.