PNP, hiniling sa DOH na pangunahan ang imbestigasyon sa pagkamatay ng isang police doctor na umano’y nagkaroon ng exposure sa toxic chemicals habang nasa COVID temporary treatment facility

Hinihingi ng Philippine National Police (PNP) ang tulong ng Department of Health (DOH) para pangunahan ang imbestigasyon sa pagkamatay ni Dr. Casey Gutierrez, isang police doctor na nasawi nitong May 30, 2020.

Si Dr. Gutierrez ay ideneploy sa Philippine Sports Arena-Temporary Treatment and Monitoring Facility (PSA-TTMF) sa Pasig kasama ang dalawa pang miyembro ng PNP Medical Reserve Force para regular na magsagawa ng decontamination procedure sa pasilidad.

Pero ayon kay PNP Administrative Support to COVID-19 Task Force (ASCOTF) Commander Lt. Gen. Camilo Cascolan, isang aksidente ang nangyari nitong May 24, 2020 dahil sa hindi sinasadya na na-spray kay Dr. Gutierrez at dalawa pa nitong kasama na sina Police Staff Sergeant Steve Rae Salamanca at Police Corporal Runie Toledo ang concentrated decontamination solution (sodium hypochlorite).


Dahil dito, nahirapang huminga ang tatlo kaya isinugod sa PNP General Hospital pero dahil sa malalang kondisyon ni Dr. Gutierrez, inilipat ito ng kanyang pamilya sa Lung Center of the Philipines at namatay noong May 30, 2020.

Sinabi ni Cascolan, makikiisa rin sa gagawing hiwalay na imbestigasyon ang ibang concerned agencies para matukoy kung sino ang may pananagutan sa aksidente.

Nilinaw naman ni Cascolan na iba ang service provider ng chemical disinfectant ng quarantine facility sa Pasig sa ibang mga quarantine facilities.

Nagpaalala naman si Cascolan sa mga police healthcare personnel at frontline medical units na laging isaisip ang mga safety procedures lalo na kapag nasa trabaho.

Facebook Comments