Thursday, April 9, 2026

PNP, hinimok ang publiko na itawag sa 911 ang mga pang-aabuso sa kasagsagan ng implementasyon ng safer cities initiatives

Hinimok ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na itawag sa unified hotline na 911 ang mga pang-aabusong makikita o mararanasan sa kasagsagan ng implementasyon ng safer cities initiatives.

Kasunod ito ng mga agam-agam na ipinahayag ng Samahan ng Progresibong Kabatan o SPARK na anti-poor at baka magamit sa harassment ang nasabing pinaigting na anti-criminality operations.

Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Randulf Tuaño, nirerespeto ng PNP ang pagpuna ng taumbayan ngunit ang nasabing inisyatiba ay hindi na bago.

Layon lamang nito na paigtingin ang existing na ordinances kagaya ng pagbabawal sa pag-inom ng alak sa pampublikong lugar, paglalakad ng walang pangtaas na damit, curfew sa mga minors at pagbi-videoke ng lagpas sa tinakdang oras.

Tiniyak naman ni Tuaño na hindi lang sa umpisa ang nasabing pagkilos ng mga kapulisan bagkus ito ay isu-sustained at magiging parte na ng duty ng PNP katuwang ng mga opisyal ng barangay.

Kaugnay nito, nasa higit 48,000 na mga violators na ang nahuli ng PNP sa loob ng 3 araw alinsunod ito sa pinaigting na implementasyon ng Safer Cities Initiatives.

Facebook Comments