Manila, Philippines – Isang Memorandum of Agreement (MOA) ang nilagdaan ng PNP Highway Patrol Group para pagtulungan ang problema ng kriminalidad sa mga lansangan at mga paglabag sa batas trapiko.
Mismong si PNP Highway Patrol Group director Arnel Escobal at Citizens Crime Watch (CCW) National President and founder Jose Malvar Villegas ang pumirma sa kasunduan.
Nakasaad sa kasunduan, gagamitin ng HPG bilang Force multipliers ang motorcycle riders ng CCW sa buong bansa sa pagbabantay sa mga lansangan.
Ang mga riders na ito ay ide-deputize ng HPG matapos silang sumailalim sa pagsasanay para makatulong sa traffic management at road safety operations ng HPG.
Ang NCR ang magiging pilot area para sa proyekto, at i-expand nationwide sa darating na panahon.
Ayon kay Villegas, ang CCW ay may 10,000 riders nationwide na pwedeng makatulong sa pagbabantay ng mga daan.
Sinabi naman ni Escobal na welcome development ang kasunduan dahil mahigit 1,200 lang ang tauhan ng HPG, at kailangan nila ng mas maraming force multipliers para mabantayan ng husto ang mga lansangan.