Isang hamon pero sisikapin ng Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police (PNP) na magawa ang target ng pamahalaan na mapaluwag ang daloy ng trapiko sa EDSA.
Ito ay kasunod na rin ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa Disyembre ng taon na ito ay iikli sa 5 minuto ang travel time mula Cubao hanggang sa Makati.
Sa turn-over ng 50 crash helmet ng Angkas sa HPG, sinabi ni Brigadier General Roberto Fajardo patuloy ang kanilang pakikipagpulong sa MMDA at Department of Transportation (DOTr) para pagtulungang hanapan ng solusyon ang trapiko sa EDSA.
Inamin ng opisyal, kumagat sya sa “5 minutes challenge” at mula sa Cubao ay umabot sila sa Guadalupe, Makati ng 4 minutes and 58 seconds.
Pero paglilinaw niya, umaga niya ito ginawa at mayroon siyang ‘hagad’.
Nang tanungin naman kung kaya ito ng walang ‘hagad’, sinabi ni Fajardo na posible naman ang 5 minuto kung bibiyahe ang motorista ng ala una ng madaling araw.
Una nang sinabi ng MMDA na “mathematically impossible” ang 5 minutes na byahe mula Cubao hanggang Makati.