PNP-HPG, nag-inspeksyon sa PITX

Nagsagawa ng inspeksyon ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ngayong araw.

Ito’y upang masiguro kung sumusunod sa health protocols ang mga bus gayundin ang mga pasahero nito.

Pinangunahan mismo ni Pol. Brig. Gen. Alexander Tagum na Director ng PNP-HPG ang pag-iinspeksyon kung saan nais nilang matiyak na pawang mga Authorized Persons Outside of Residence (APOR) lamang ang pinapasakay sa mga city at provincial buses sa PITX.


Isa-isang inakyat ng mga tauhan ng PNP-HPG ang mga bus pagkatapos ay sinuri ang mga ID ng bawat pasahero habang nais din nilang masiguro na masusunod ang 50% capacity kada isang bus.

Ang mga driver naman na mahuhuling lalabag sa inilabas na panununtan ng Inter-Agency Task Force (IATF) hinggil sa pagbiyahe ng mga pampublikong sasakyan ay kukumpiskahin ang lisensiya pero bibigyan sila ng “Temporary Operators Permit” para makapag-biyahe.

Nanawagan ang PNP-HPG sa publiko partikular sa mga sumasakay ng mga bus ng kooperasyon at pakikiisa upang kahit papaano ay mapigilan ang pagkahawaan ng COVID-19.

Facebook Comments