Matagumpay ang ikinasang nationwide “Lambat Bitag Sasakyan- PNP-HPG, nakakumpiska ng mahigit 50 kolorum na sasakyan at 3 nakaw na sasakyan sa kanilang ‘one-time big-time’ operation ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) kahapon.
Ito ay dahil na rin sa pakikipagtulungan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kay PNP Chief Police General Debold Sinas, sa maghapong operasyon kahapon, nagresulta ito sa pagkakarekober ng 56 na kolorum na sasakyan at 3 nakaw na sasakyan.
Habang umabot naman sa kabuuang 1,455 mga sasakyan at motorsiklo ang impounded.
Samantala, 2,706 driver naman ang natiketan dahil sa pekeng lisensya, paglabag sa seat belt law at iba pa.
Mayroon ding 1,164 motorista ang natiketan dahil sa hindi pagsusuot ng helmet at paggamit ng substandard na helmet.
Iniulat pa ng HPG na 471 illegal equipment tulad ng siren, horn, LED lamp, blinker at modified muffler ang kanilang nakumpiska.