
Nilinaw ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) na hindi dapat nadarawit ang pangalan ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa insidenteng kinasangkutan ng isang convoy na may dalawang HPG rider sa EDSA Busway.
Ayon sa HPG, ang pahayag ng kanilang tauhan na nakuhanan ng video ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) ng Department of Transportation (DOTr) ay personal nilang opinyon at hindi opisyal na posisyon ng kanilang tanggapan.
Wala rin silang intensyong balewalain ang mandato o impluwensyahan ang kanilang mga operatiba.
Ayon pa sa HPG, layon ng kanilang mga tauhan na mapagaan ang daloy ng trapiko sa oras ng rush hour.
Kasunod nito, nangako ang PNP-HPG na patuloy nilang itataguyod ang pinakamataas na pamantayan sa kanilang tungkulin at iginiit na hindi nila kukunsintihin ang anumang gawain na makasisira sa integridad ng kanilang institusyon at liderato.