PNP, humingi ng tawad sa mga Muslim dahil sa pag-label nito sa mga hostage taker ni De Lima

Humingi ng dispensa ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa mga kapatid nating Muslim makaraang lumabas sa video nang mangyari ang hostage taking incident kay dating Senadora Leila de Lima noong linggo ay makailang beses nabanggit ang salitang ‘Muslim.’

Ayon kay PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., hindi naman ito sadya at dulot lamang ito ng adrenalin rush ng mga pulis na nakasaksi ng insidente.

Sinabi pa ni Azurin na na-highlight lamang ang Muslim dahil kapag rumeresponde ang mga awtoridad nais lamang nilang mai-describe o mailarawan ang suspek kung ito ba ay Ilokano, Bikolano o anu man para malaman kaagad ng mga pulis kung sino ang kanilang hinahanap.


Kasunod nito, nangako ang PNP na itatama nila ang kanilang pagkakamali upang hindi na maulit pa ang kahalintulad na insidente.

Una nang sinita ni Sen. Robin Padilla ang PNP dahil sa paggamit ng salitang Muslim sa hostage taker ng detenidong mambabatas.

Maging ang National Commission on Muslim Filipinos ay kinondena rin ang PNP sa paggamit nila ng salitang Muslim sa hostage taker ni De lima na para sa kanila ay maituturing na diskriminasyon at insulto sa kanilang relihiyon.

Facebook Comments