PNP-IAS, magsasagawa na ng imbestigasyon sa pagkamatay ng suspek sa ilegal na tupada sa Valenzuela

Inutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Guillermo Eleazar sa PNP Internal Affairs Service (PNP-IAS) na magsagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ng isa sa mga suspek sa ilegal na tupada sa Valenzuela City.

Ayon kay Eleazar, ang nasawing suspek ay si Edwin Cabantugan Arnigo, 18 taong gulang.

Batay sa report ng Northern Police District kay Eleazar, rumesponde ang mga pulis kahapon ng tanghali sa sumbong tungkol sa ilegal na tupada sa F. Dulalia St., Lungunan, Valenzuela City at huli sa akto ang 3 indibidwal, kasama si Arnigo.


Habang isinasagawa ang pag-aresto sa 3, nagtangka umano ang isa sa mga suspek na agawin ang baril ng isa sa mga pulis, na pumutok at tinamaan si Arnigo.

Naisugod pa si Arnigo sa Valenzuela Medical Center pero idineklarang dead on arrival.

Sinabi ni Eleazar, ang pulis na sangkot na may ranggong Senior Master Sergeant ay dinisarmahan at isinailalim na sa restrictive custody bilang bahagi ng imbestigasyon.

Siniguro naman ni Eleazar na magiging patas ang imbestigasyon kasabay ng paghikayat sa mga testigo na humarap upang makatulong sa imbestigasyon.

Facebook Comments