
Sinimulan na ng Philippine National Police–Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang pre-charge investigation laban sa isang pulis na umano’y sangkot sa carnapping at pagkidnap sa isang delivery rider sa Maynila.
Sa isang pulong-balitaan na ginanap sa Camp Crame, isiniwalat ng biktimang delivery rider na siya umano ay binook ng naturang pulis kasama ang pitong iba pang indibidwal. Dinala umano ang kanyang sasakyan sa Cavite, kung saan iba na ang naging nagmamaneho nito.
Ayon sa biktima, pinapick-up umano sila ng malalaking kable mula sa isang manhole na pinaghihinalaang galing sa isang ilegal na aktibidad.
Matapos ang pagkuha, dinala umano ang mga kable sa Muntinlupa kung saan ito pinutol-putol.
Pagkatapos nito, pinasakay umano ang mga kasamahan ng pulis sa sasakyan ng delivery rider at siya mismo ang inutusan na magmaneho. Dito na siya nakatiyempo na idiretso ang sasakyan sa isang police station pagdating sa Maynila, na nauwi sa agarang pag-aresto sa mga suspek.
Naaresto rin sa hot pursuit operation ang pulis na may ranggong Police Staff Sergeant, at napag-alamang miyembro ito ng forensic group ng Manila Police District (MPD).
Ayon kay IAS Inspector General Brig. Gen. Brigido Dulay, pormal nang sinimulan ng PNP-IAS ang pre-charge investigation laban sa nasabing pulis.
Sakaling mapatunayang sangkot, mahaharap ang pulis sa administratibong kaso, habang ang pito nitong kasamahan kabilang ang tatlong menor de edad, ay nahaharap naman sa kasong kriminal.










