
Umarangkada na ang case build-up ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) laban sa mga pulis na sinasabing sangkot sa pagdukot at pagpatay sa 34 na sabungero noong 2021.
Kinumpirma ito ni PNP-IAS Inspector General Atty. Brigido Dulay matapos ang naging rebelasyon ng isang akusado at dating security guard sa Manila Arena na ngayo’y tumatayong state witness na si alias Totoy na inilibing di umano ang mga bangkay ng sabungero sa Taal Lake.
Ayon kay Dulay, mahigit 20 pulis ang isinasangkot sa testimonya ni Totoy pero wala pa aniya silang hawak na kopya ng salaysay nito.
Una nang iniutos ng National Police Commission ang motu proprio investigation, kasabay ng babala na sisibakin sa serbisyo ang sinumang mapatunayang sangkot na pulis.
Sinabi naman ni PNP Chief PGen Nicolas Torre III na hahayaan na lamang muna nyang gumulong ang proseso, lalo’t hawak na ng Department of Justice (DOJ) ang kaso.









