Manila, Philippines – Walang ipinatutupad na polisiya ang Philippine National Police (PNP) na binibigyan ng cash rewards ang mga pulis na nakakapatay ng drug suspect.
Ito ang pahayag ni PNP Deputy Spokesperson Superintendent Vimelee Madrid, matapos ang ginawang survey ng Social Weather Station ( SWS) na 65 percent sa mga Pilipino ay hindi sang-ayon sa pagbibigay ng cash reward sa isang pulis na nakapatay ng drug suspect, 15 percent ay sang-ayon habang 20 percent ay undecided.
Paliwanag ni Madrid, walang kautusan ang liderato ng PNP na pumatay ng drug suspect kaya hindi rin daw nangyayari sa PNP ang pagbibigay ng cash reward sa mga pulis.
Magkagayunpaman, sinabi ni Madrid na nirerespeto nila ang resulta ng survey habang nanindigang hindi nangyayari sa kanilang organisasyon ang pagbibigay ng utos na pumatay ng drug suspect ang mga pulis.