PNP, iimbestigahan ang pagkamatay ng isang senior citizen sa nangyaring birthday community pantry ng aktres na si Angel Locsin sa Brgy.Holy Spirit, Quezon City

Inutos na ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año sa Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang isinagawang birthday community pantry ng aktres na si Angel Locsin sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City na kung saan may nasawi na isang senior citizen.

Ayon kay Año, sobrang dinagsa ang nasabing community pantry na nagkaroon na ng mass gathering na sobrang dikit-dikit na ang mga tao at marami pang nakapila na mga senior citizen kahit na pinagbabawalan silang lumabas.

Aniya, responsibilidad ng mga organizer ng bawat itinatayong community pantry na masigurong nasusunod ang safety and health protocols kontra COVID-19.


Nabatid na ang naturang community pantry ay alas-dos ng madaling araw pa lang ay may mga nakapila na kahit hanggang ala-singko ng madaling araw ang umiiral na curfew hour sa Metro Manila.

Matatandaan, namatay ang 67 years old na si Rolando Dela Cruz habang nasa pila para sa naturang ayuda at idineklara itong dead-on-arrival nang maisugod sa East Avenue Medical Center.

Inako na rin ng aktres ang responsibilidad sa pangyayari at nangakong makikipag-tulungan sa pamilya para sa anumang pangangailangan.

Facebook Comments