Pinalakas ng Philippine National Police (PNP) ang koordinasyon nito sa mga residente ng coastal communities sa silangang baybayin ng bansa.
Ito ay dahil inaasahan pa ng PNP na marami pang bloke ng cocaine ang marerekober sa mga susunod na araw.
Higit 110 cocaine bricks ang nasasamsam ng pulisya sa Mindanao at Luzon, kabilang na ang huling nadiskubre sa Catanduanes.
Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde – nakausap niya ang kanyang counterpart sa Australia at napag-usapan ang nakumpiskang cocaine bricks sa Papua New Guinea sa pagitan ng Hunyo hanggang Setyembre nitong 2018.
Pinaniniwalaan aniya ng Australian authorities na ipapadala sana sa Australia ang mga kontrabando.
Itinapon ng international syndicate ang 500 kilo ng cocaine sa karagatan para i-pick-up na lamang ng mga local contacts.
Nagbabala naman ang PNP sa mga mangingisda at coastal residente na mapapahamak sila kapag itinago nila ang mga narerekober na cocaine sa karagatan kung saan non-bailable offense ito at makukulong hanggang 40 taon.