PNP, inaming mismong ang Hepe ng Calbayog City Police Station ang nais pangalanan ang mga abogadong kumakatawan sa mga personalidad na sangkot sa CPP-NPA

Inamin ni Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge Police Lieutenant General Guillermo Eleazar na mismong si Calbayog City Police Station Intel Chief Police Lieutenant Fernando Calabria, ang nanghimok sa korte upang pangalanan ang mga abogadong kumakatawan sa mga personalidad na nasasangkot sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Sa isang press conference ngayong araw, sinabi ni Eleazar na maituturing na labag ang ginawa nito dahil may kautusang sinusunod bago makipag-ugnayan sa ilang ahensiya ng gobyerno.

Nabatid na una nang kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang nasabing aksyon at hiniling na imbestigahan ito.


Sa ngayon, pinaiimbestigahan na rin ni House Deputy Speaker Rufus Rodriuguez sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang nangyari.

Maituturing kasi aniyang mali, nakakaalarma at labag sa trabaho ng mga abogado na nagbibigay ng legal na serbisyo sa mga taong nangangailangan.

Habang ikinalugod naman nito ang desisyon ni Eleazar na sibakin si Calabria sa pwesto.

Facebook Comments