PNP, inatasan ng DILG na tiyakin ang seguridad ng mga bakunang ibabiyahe sa mga liblib na lugar

Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP) na bigyang-seguridad ang COVID-19 vaccines at inoculation teams para maiwasan ang abala sa pagbabakuna.

Sabi ni DILG officer-in-charge Undersecretary Bernardo Florence Jr., mahalagang handa ang PNP sa anumang insidente dahil parang ginto ang mga bakuna lalo ngayong kulang pa ang suplay nito.

Kaugnay nito, makikipag-ugnayan ang pulisya sa mga lokal na pamahalaan para masigurong makararating ang mga bakuna sa recipients nito lalo na sa mga liblib na lugar.


Una rito, nakiusap si Pangulong Rodrigo Duterte sa Communist Party of the Philippines (CPP) na hayaang ligtas na maibiyahe ang mga bakuna partikular sa mga lugar na may impluwensya ng komunistang grupo.

Sinang-ayunan ito ng CPP pero sa kondisyong hindi gagamitin ng gobyerno ang mga sasakyan ng militar sa paghahatid ng mga bakuna, bagay na hindi nagustuhan ng ahensya.

Giit ni DILG Spokesperson Jonathan Malaya, ang kondisyon ng CPP ay pagbabanta sa paghahatid ng mga bakuna sa mga conflict-affected areas.

Aniya, saan mang bansa sa mundo, sadyang katuwang ang militar sa vaccination program.

Samantala, nakikipag-ugnayan na ang PNP sa Inter-Agency Task Force (IATF) para sa magiging partisipasyon nito sa COVID-19 vaccination program.

Bukod sa pagbibigay ng seguridad, magde-deploy rin ang PNP ng medical reserved force para tumulong sa Department of Health (DOH).

Facebook Comments