PNP, iniimbestigahan na ang impormasyong ibinunyag ni Sen. Hontiveros na sangkot umano sa hacking incidents ang na-raid na POGO hub sa Tarlac

Pinag-aaralan na ng Philippine National Police (PNP) ang naging pahayag ni Sen. Risa Hontiveros sa pagdinig ng Senado kamakailan kung saan sinabi nitong posibleng sangkot sa surveillance at hacking incidents sa mga website ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang kompanyang Zun Yuan Technology Inc.

Matatandaang noong Abril sinalakay ng mga awtoridad ang Zun Yuan Inc. na isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na matatagpuan sa Bamban, Tarlac dahil sa pagkakasangkot nito sa mga aktibidad na may kinalaman sa scamming.

Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo, sa ngayon nakikipag-ugnayan na sila sa tanggapan ni Sen. Hontiveros.


Maliban dito, nakikipag-ugnayan na rin ang PNP-Anti-Cybercrime Group sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at sa iba pang ahensya para beripikahin ang naging expose ng senadora.

Una rito, ginisa ng senadora si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil sa umano’y koneksyon nito sa naturang POGO hub.

Facebook Comments