Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) para matukoy ang mga pulis at sundalo na sangkot sa aktibidad ng KAPA Community Ministry International, partikular na ang sinasabing private armed group.
Ito ay matapos maaresto kahapon si KAPA Founder Joel Apolinario dahil sa kasong syndicated estafa at makumpiska ng CARAGA Police ang iba’t ibang high-powered firearms sa Surigao del Sur.
Ayon kay PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa, sasalang sa interogasyon ang 23 indibidwal na kasamang naaresto ni Apolinario para matukoy ang mga pulis at sundalo na kasama sa KAPA at ano ang kanilang nalalaman sa aktibidad.
Sakaling mapatunayan na may sangkot na government officials sa KAPA ay posibleng sampahan din ng kaso ang mga ito.
Una nang inihayag ni Gamboa na bubuo sila ng special task group na tututok sa mga biktima ng umano’y investment scam ng KAPA.