Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) ang paggamit ng police uniform bilang costume sa Christmas party.
Ayon kay PNP PIO Chief PBGen. Jean Fajardo, kabilang sa kanilang inaalam ay kung papaano ito nakakuha ng police uniform kung saan mayroon pa itong patch ng PNP Special Action Force.
Ang tinutukoy ni Fajardo ay ang nagtrending sa social media na executive ng isang automobile manufacturing company na ginawang costume ang PNP uniform.
Ani Fajardo, ang naturang executive ng automobile manufacturing company ay isang foreigner kaya’t posibleng hindi nito alam ang batas.
Pero giit nito na walang dahilan ang kamangmangan sa batas para hindi kasuhan ang sinumang lumabag.
Salig sa Article 179 ng Revised Penal Code, mahaharap sa kaparusahang arresto mayor ang sinumang indibidwal na gagamit ng mali sa insignia at uniporme ng isang law enforcer o uniformed personnel.