Nirerespeto ng Philippine National Police (PNP) ang hatol na guilty ng korte laban kay Patrolman Jefrey Perez.
Si Perez ay matatandaang hinatulang guilty ng Caloocan City Regional Trial Court dahil sa pagtatanim ng ebidensya at pag-torture sa University of the Philippines student at kasama nito noong 2017.
Ayon kay PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., naninindigan ang Pambansang Pulisya sa kanilang mandato na papanatilihin at irerespeto ang karapatang pantao sa lahat ng kanilang police operations at paglaban sa krimenalidad.
Naniniwala rin si Azurin na naging patas ang paglilitis dahil nabigyan ng sapat na panahon si Perez para depensahan ang kanyang sarili sa korte.
Kasunod nito, nangangako ang PNP na ipatutupad ang tinatawag na holistic approach sa kanilang anti-crime at illegal drug campaigns kung saan katuwang ng kapulisan ang simbahan at komunidad sa pamamagitan ng Kasimbayanan program.
Magkagayunman, hindi rin ipinapangako ng PNP ang zero casualty sa kanilang police operations dahil prayoridad nila ang kaligtasan ng kanilang mga tauhan pero isasaalang-alang nila sa lahat ng pagkakataon ang human rights.