May sariling imbestigasyon na gagawin ang Philippine National Police (PNP) Internal Affairs Service (IAS) sa nangyaring ‘misencounter’ sa Jolo, Sulu kung saan apat na sundalo ang nasawi matapos mapagkamalang kalaban ng mga pulis.
Ayon kay PNP Inspector General Attorney Alfegar Triambulo, mandato nila na magsagawa agad ng motu proprio investigation sa mga ganitong insidente.
Mayroon na aniyang initial report ang IAS sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa insidente at magpapatuloy pa ang pag-iimbestiga nila.
Una nang napagkasunduan ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipaubaya sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa insidente.
Siniguro din ng PNP at AFP ang kooperasyon sa NBI lalu’t may kanya-kanya silang bersyon ng insidente.