*Cauayan City, Isabela- *Inabutan ng tulong pinansyal ng pamunuan ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) sa pamumuno ni Provincial Director Police Senior Superintendent Mariano Rodriguez ang pamilya ng isang Komander ng NPA na pinabayaang namatay sa Brgy. Dibuluan, San Mariano, Isabela.
Bukod sa ibinigay na pinansyal para sa disenteng pagpapalibing kay Melecio Casisola aka “Millis” na namumuno sa SPP REMO ng Cagayan Valley Central Front na tubong Brgy. Balliao, Benito Soliven, Isabela ay nagbigay rin ng tulong ang PNP Isabela sa kapatid si Jongie Casisola.
Magugunita na noong gabi ng Enero 19, 2019 ay dinala at iniwan sa isang bahay si Ka Millis ng kanyang mga kasama nang ito ay buhay pa sa halip na dalhin sa pagamutan.
Nasawi naman si Ka Millis dakong alas dos ng madaling araw noong Enero 20, 2019.
Kaugnay nito ay pinaalalahanan muli ni PSSupt Mariano Rodriguez ang pamilya ni Casisola na huwag sumunod sa yapak ng namatay na nakatatandang kapatid at hinikayat naman ang iba pang kasapi ng NPA na magbalik loob na lamang dahil bukas anya ang pamahalaan sa lahat ng mga rebeldeng nais sumuko.
Samantala, napag-alaman na ang pamilya ng yumaong Komander ay tumatanggap ng ayuda sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s) na kung saan ang kanyang kaisa-isang anak ay suportado sa kanyang pag aaral mula pa noong siya ay 5 anyos pa lamang.