
Cauayan City — Muling nagpaalala ang Isabela Police Provincial Office (IPPO) sa publiko na gawing pangunahing prayoridad ang kaligtasan lalo na sa mga lugar na may kinalaman sa tubig ngayong summer vacation.
Ayon kay Police Colonel Lee Allen Bauding, Provincial Director ng IPPO, puspusan ang pagpapatupad ng kampanyang Ligtas Summer Vacation (SUMVAC) 2025 upang matiyak ang seguridad ng mga mamamayan at bisita sa mga ilog, talon, beach resorts, at iba pang mataong destinasyon sa Isabela.
Naka-deploy na ang mga tourist police at force multipliers sa mga pangunahing pasyalan upang tumulong sa pagbabantay.
Inatasan din ang mga local police stations na magsagawa ng foot at mobile patrols, traffic assistance, at pagbibigay ng public advisories.
Katuwang ng PNP Isabela sa kampanya ang mga lokal na pamahalaan, barangay officials, at mga resort owners upang masiguro ang pagkakaroon ng lifeguards, malinaw na babalang karatula, at agarang tugon sakaling may emergency.
Ilan sa mga paalala ng kapulisan sa mga mamamayan ay ang huwag paliguan ang mga bata sa ilog o dagat nang walang kasamang bantay, iwasan ang malalalim na bahagi ng tubig, magdala ng sapat na inumin at first-aid kit, magsuot ng life vest sa water activities, at manatiling alerto sa mga weather advisories.
Tiniyak rin ng IPPO na mananatili silang nakabantay upang masigurong ligtas, panatag, at masaya ang summer vacation ng bawat Isabeleño.