PNP ISABELA, PATULOY ANG OPERASYON LABAN SA KRIMEN SA GITNA NG HALALAN

Cauayan City – Patuloy ang operasyon ng PNP Isabela sa pagsugpo ng krimen at droga sa kabila ng paghahanda sa nalalapit na National and Local Elections 2025.

Mula April 25 hanggang May 1, dalawampu’t anim na operasyon laban sa mga wanted persons ang matagumpay na naisagawa, kung saan dalawang Top Most Wanted at 24 na iba pa ang naaresto sa iba’t ibang bayan sa lalawigan.

Pinatibay rin ang kampanya kontra sa mga hindi lisensyadong baril, kung saan may mga nakumpiskang armas at may mga boluntaryong isinuko.

Sa bahagi naman ng anti-insurgency efforts, isang pampasabog ang narekober at dalawang improvised explosives ang isinuko ng mga dating rebelde. Nahanap din ang siyam na taguan ng armas na dating pag-aari ng mga rebelde.

Sa pagpapatupad ng lokal na ordinansa, 1,255 katao ang pinagmulta at 996 ang nabigyan ng babala dahil sa iba’t ibang paglabag.

Samantala, sa apat na operasyon kontra droga, apat na suspek ang naaresto at narekober ang shabu at marijuana na maaaring magdulot ng panganib sa mga kabataan kung naikalat sa komunidad.

Ayon kay Police Colonel Lee Allen Bauding, hindi hadlang ang election duties sa pagseserbisyo ng PNP at nanawagan siya sa publiko na makiisa sa mga operasyon ng pulisya sa pamamagitan ng pagiging mapagmatyag at disiplinado.

Facebook Comments