PNP, itinanggi ang ulat ng PCCCII na umano’y 56 na kidnapping sa bansa loob lamang ng sampung araw

Tahasang itinanggi ng Philippine National Police (PNP) ang ulat ng Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc., (PCCCII) na nagkaroon ng 56 na kaso ng kidnapping sa Chinese Community sa loob lamang ng nakalipas na 10 araw.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, walang basehan ang nasabing ulat ng PCCCII.

Sinabi pa ni Fajardo na personal na humarap si PNP Officer-in-Charge Police Lt. Gen. Jose Chiquito Malayo kasama ang mga opisyal ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) nitong Martes sa mga opisyal ng PCCCII para linawin ang naturang report.


Aniya, base sa datos ng PNP AKG, 27 lang ang kaso ng kidnapping sa loob ng taong kasalukuyan na mas mababa kumpara sa 38 kaso noong nakalipas na taon.

Sa 27 naitalang kaso, 11 ang nalutas, 4 ang cleared o nasa husgado na, at 12 ang under investigation.

Sa 11 nalutas na kaso, 3 ang tradisyunal na kidnap for ransom, 7 ang kinasasangkutan ng mga POGO workers at isa naman ang casino-related.

Facebook Comments