Nilinaw ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Police Col. Jean Fajardo na walang direktang utos mula sa national headquarters ng PNP na magsagawa ng house visits sa mediamen ang mga pulis.
Ang paglilinaw ay ginawa ni Col. Fajardo matapos na iulat ng ilang miyembro ng media na binisita sila ng mga pulis sa kanilang mga tahanan nitong weekend para kumustahin ang kanilang kalagayan.
Ayon sa ilang mamamahayag paglabag sa data privacy act ang ginawa ng mga pulis.
Ani Fajardo, ang utos mula sa pamunuan ng PNP ay makipag-coordinate lang sa mga kagawad ng media upang alamin kung may banta sa kanilang buhay.
Paliwanag ng opisyal, maaaring nagkaroon ng iba’t ibang interpretasyon ang mga pulis kung paano ipatutupad ang kautusan.
Kasunod ng reklamo ng ilang media personalities, agad namang pinatigil ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., ang ganitong gawain hanggang sa makapaglabas ng malinaw na guidelines sa pagtiyak ng seguridad ng mga miyembro ng media.