Ibinigay na ng Philippine National Police (PNP) sa Department of Information & Communications Technology (DICT) gayundin sa National Telecommunications Commission (NTC) ang listahan ng mga e-sabong sites na kanilang namo-monitor upang agad itong maipasara.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, ngayong naisumite na nila ang listahan ng mga e-sabong sites ay ipinauubaya na nila ang pagmo-monitor dito sa DICT at NTC at pagkatapos ng imbestigasyon ay ang PNP naman ang magpapasara sa mga ito.
Aniya, bahagi ito ng pagtalima ng Pambansang Pulisya sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tuluyang maalis ang operasyon ng e-sabong sa bansa dahil marami sa ating mga kababayan ang nalululong dito.
Inihalimbawa pa ni Fajardo ang naging matagumpay na operasyon ng PNP sa Cebu kung saan nakakumpiska sila ng mga kagamitan at tuluyang nahinto ang operasyon doon ng e-sabong.