Naniniwala ang Philippine National Police (PNP) na malaking tulong ang inilabas na pabuya ng Department of Justice (DOJ) para madakip ang mga puganteng sina dating Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag at dating Deputy Officer Ricardo Zulueta.
Sina Bantag at Zulueta ang itinuturing na suspek sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid at sinasabing middleman sa kaso na si Jun Villamor.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, umaasa silang sa pamamagitan ng reward ay lulutang ang sinumang may impormasyon sa posibleng kinaroroonan ng wanted persons.
Kasunod nito, umapela si Fajardo kina Bantag at Zulueta na sumuko at harapin ang kanilang mga kaso.
Kahapon, inanunsyo ng DOJ ang P2 milyong pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para madakip si Bantag at P1 milyon naman kay Zulueta.