PNP kinondena ang pananambang sa apat na pulis sa Negros Oriental

Kinondena ng Philippine National Police ang ginawang pananambang sa  4 nilang tauhan ng mga tauhan ng CPP-NPA sa Negros Oriental kahapon.

 

Ayon kay PNP Deputy Spokesperson P/LtC. Kimberly Molitas, nagpaabot ng pakikiramay ang PNP sa pamilya nila PCpl. Relebert Beronio, Patrol man Raffy Callo, Pat. Roel Cabellon at Patrol man Marquino de Leon na pawang kasapi ng 704 Mobile Force Company sa ilalim ng 7th Regional Mobile Force Battalion.

 

Pasado alas-dos ng hapon kahapon nang tambangan ng mga rebelde ang mga Pulis sa Sitio Yamot, Brgy Mabato, bayan ng Ayungon sa nabanggit na lalawigan kung saan, hindi pa nakuntento sa pagpatay ang mga rebelde at sa halip ay ninakawan pa ang mga ito.


 

Tiniyak ng PNP na ipaabot nila ang lahat ng tulong sa pamilya ng mga biktima para maibsan kahit paano ang pagdurusang kanilang nararamdaman.

 

Dahil dito, sinabi ng PNP na walang puwang sa kahit anong paraan  ang pagbabalik ng  negosasyon  para sa usapang kapayapaan sa pagitan kinatawan ng Pamahalaan at ng CPP NPA dahil sa anila’y malinaw na pagtataksil ito sa mga alagad ng batas.

 

Samantala anumang araw mula ngayon, tutungo si PNP Chier P/Gen. Oscar Albayalde sa Negros Oriental para  personal na magpaabot ng tulong at pakikiramay sa nagdadalamhating pamilya ng mga nasawing Pulis.

Facebook Comments