Nakikiisa si Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Dionardo Carlos sa Commission on Human Rights (CHR) sa pagkondena sa pag-atake ng New Peoples Army (NPA) sa Sorsogon na ikinasawi ng isang pulis.
Si Police Corporal Ryan Atos ay nasawi matapos paulanan ng bala ng mga NPA ang kampo ng 504th Police Maneuver Company sa Pilar, Sorsogon noong February 28.
Sa isang statement, sinabi ni CHR Spokesperson Jacqueline de Guia na ang walang pakundangan pag-atake na lumalabag sa karapatang mabuhay ay hindi mabibigyang-katuwiran ng anumang idolohiya o pagkakataon.
Nagpasalamat si Gen. Carlos sa CHR sa pagpapahayag ng pagkabahala sa insidente bilang isang lantarang paglabag sa karapatang pantao.
Kasabay nito, ipinaabot ng PNP chief ang kanyang pakikiramay sa mga naulila ni Corporal Atos, kasabay ng pagtiyak na gagawin ng PNP ang lahat para tukuyin at iharap sa hustisya ang mga responsable sa karumaldumal na krimen.