Sa layuning mapanatili ang mababang antas ng krimen sa bansa, nais ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benjamin Abalos na kunin ang buong suporta ng bawat komunidad.
Sa pagbisita ni Abalos sa kampo krame kahapon sinabi nitong misyon ng kapulisan na magpatupad ng batas, maiwasan, mapababa ang krimen at mapanatili ang peace and order sa ating bansa.
Aniya, para maipagpatuloy ang magandang nasimulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, dapat magkaisa ang lahat dahil hindi ito mapagtatagumpayan kung ang Philippine National Police (PNP) lamang ang kikilos.
Paliwanag nito, kung kakayanin iikot sila sa buong Pilipinas upang mahikayat ang publiko na wag subukang gumamit ng ipinagbabawal na gamot dahil wala naman itong maidudulot na mabuti.
Lalo na ang mga kabataan na dapat ang pokus ay pag-aaral at hindi ang mga ilegal na aktibidad.
Kasunod nito, siniguro ni Abalos na paiigtingin pa ng pambansang pulisya ang police visibility maging ang pagpapatrol ng barangay upang hindi na gumawa ng masama ang mga kawatan.