PNP, kumpiyansang mahuhuli ang iba pang sangkot sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid

Tiwala ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na mapapasakamay rin nila ang iba pang sangkot sa pagpatay sa radio commentator ng DWBL na si Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid.

Ayon kay PNP Chief Police Gen. Rodolfo Azurin Jr., ito ay matapos ikanta nang sumukong gunman na si Joel Estorial ang kanyang mga kasabwat na sina alyas Orly at ang magkapatid na sina Israel at Edmon Dimaculangan.

Sinabi pa ni Azurin na tinutugis na ngayon ng PNP tracker teams ang mga nabanggit na indibidwal.


Ang gusto na lamang nilang matukoy ay ang personalidad na nag-utos mismo kay Estorial para ipapatay si Lapid na pawang taga-bilibid.

Base kasi sa salaysay nito kahapon, anim umano sila sa grupo kung saan binayarin sila ng P550,000 at ang P140,000 umano rito ay pumasok sa kanyang bank account.

Dagdag pa ni Azurin na inaasahan niya ang matagumpay na kaso laban sa mga salarin dahil sa masusing pangangalap ng ebidensya ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Special Investigation Task Group Lapid upang matiyak na air tight ang isinampang kaso laban sa mga ito.

Facebook Comments