Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na matibay ang kasong isinampa nila laban kay Vice President Sara Duterte at iba pang personalidad.
Ito’y matapos ang komosyon sa nangyaring paglilipat ng ospital sa chief-of-staff ni VP Sara na si Undersecretary Zuleika Lopez.
Ayon kay PNP Public Information Officer (PNP-PIO) Chief Brigadier General Jean Fajardo, may hawak silang ebidensya o video kung saan makikita kung paanong ipinagtabuyan at itinulak ng security ni VP Sara si PLtCol. Jason Villamor ng PNP health service.
Kabilang sa mga kasong kanilang isinampa sa QC prosecutor’s office ay Direct Assault, Disobedience, at Grave Coercion laban kina VP Sara, Col. Raymund Dante Lachica, Chief Security Detail ng bise presidente at ilang John at Jane Does.
Kasunod nito, tiniyak ng Pambansang Pulisya na sa kabila nang usaping pulitika sa bansa ay makakaasa ang publiko na mananatili silang tapat sa konstitusyon.