PNP LABRADOR NAGSAGAWA NG DAYALOGO AT PAMAMAHAGI NG IMPORMASYON SA MGA TODA MEMBERS

Nagsagawa ng isang dayalogo at pamamahagi ng mga impormatibong polyeto ang mga tauhan ng PNP Labrador sa mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa Brgy. Poblacion, Labrador, Pangasinan.

Ang aktibidad ay bilang bahagi ng patuloy na programa ng kapulisan sa pagpapalawak ng kaalaman ng komunidad hinggil sa mahahalagang batas na naglalayong protektahan ang karapatan at kaligtasan ng mamamayan.

Tinalakay sa dayalogo ang ilang mahahalagang batas, kabilang ang Republic Act No. 9208 na inamyendahan ng RA 10364 o Anti-Trafficking in Persons Act, Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, at Republic Act No. 11313 o Safe Spaces Act na mas kilala bilang “Bawal Bastos” Law.

Ibinahagi rin ang iba pang kaugnay na batas na may kinalaman sa proteksyon ng kababaihan at kabataan.

Layunin ng aktibidad na ito na mapataas ang kamalayan, mapalakas ang kaligtasan, at mapalawak ang kaalaman ng komunidad, lalo na ng mga TODA members na araw-araw na nakikisalamuha sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Sa pamamagitan ng wastong impormasyon at edukasyon, inaasahang mas magiging aktibong katuwang ang komunidad sa pagpapanatili ng kaayusan at paggalang sa karapatan ng bawat isa.

Facebook Comments