
Bilang bahagi ng patuloy na kampanya para sa kaligtasan ng publiko, isinagawa ngayong Enero 7 ang ceremonial destruction at tamang pagtatapon ng mga nakumpiskang ilegal na paputok at improvised cannons o “boga” sa Sta. Barbara at Basista.
Pinangunahan ang mga aktibidad ng kani-kanilang Municipal Police Stations, katuwang ang Lokal na Pamahalaan at Bureau of Fire Protection (BFP).
Isinagawa ang mga naturang disposal sa harap ng estasyon ng pulisya ng dalawang bayan.
Ayon sa mga opisyal, ang hakbang na ito ay naglalayong mahigpit na ipatupad ang batas laban sa ilegal na pyrotechnics at maiwasan ang anumang aksidente, lalo na sa panahon ng selebrasyon.
Pinangasiwaan ng mga awtorisadong tauhan ng PNP at BFP ang mismong pagkasunog at pagtatapon upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Sinunod din ang mahigpit na safety protocols at mga umiiral na alituntunin ng PNP sa ganitong uri ng operasyon.
Bukod sa pagsunod sa batas, layunin ng aktibidad na alisin ang mga panganib mula sa ilegal na paputok, maiwasan ang sunog at aksidente, at palakasin ang kaalaman ng mga residente tungkol sa wastong paggamit at regulasyon ng pyrotechnics.
Samantala, pinayuhan ng pulisya ang publiko na makiisa sa ganitong programa upang maprotektahan ang bawat mamamayan.
Ayon sa mga kapulisan, ang ganitong operasyon ay bahagi ng tuloy-tuloy na kampanya laban sa ilegal na paputok at sa pagpapaigting ng kaligtasan sa komunidad. Dagdag pa nila, inaasahan ang patuloy na pagsasagawa ng aktibidad sa hinaharap bilang preventive measure sa lahat ng barangay tuwing may selebrasyon at pista. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






