PNP, LTFRB at iba pang concerned agencies, dapat agad aksyunan ang problema sa mga nagpapanggap na pekeng TNVS drivers – Sen. Grace Poe
Kinalampag ni Senator Grace Poe ang mga otoridad na tugisin at papanagutin sa batas ang mga pekeng ride-hailing app drivers.
Kaugnay ito sa isang modus ngayon kung saan hihintuan ng isang sasakyan ang isang nagaabang na pasahero at magpapanggap na siyang na-book na driver sa Grab.
Giit ni Poe, walang dapat na sayanging oras ang mga otoridad sa pagtugis sa naiulat na pekeng ride-hailing app drivers.
Partikular na pinakikilos agad ni Poe laban sa modus o scam na ito ang PNP, LTFRB at iba pang kaukulang ahensya ng gobyerno.
Umapela rin ang mambabatas sa kumpanya na Grab na makipagtulungan sa mga otoridad para masawata ang krimen na maaaring makaapekto sa kanilang negosyo.
Aniya ang mga biktima ng pekeng driver ng ride-hailing app ay parehong nakaranas ng sobrang taas na singil ng pasahe kumpara sa singil sa app at pinipilit ang pasahero na magbayad ng dagdag sa oras na nakasakay na ang mga biktima sa sasakyan.
Nababahala si Poe na ang bagong scam ay banta rin sa kaligtasan ng mga users dahil ang pagpapanggap na ito ay maaaring gamiting panakip sa ibang krimen na hindi nalalaman ng pasahero.