Cauayan City, Isabela- Mas doble na ang pagbabantay ngayon ng pulisya sa bayan ng Luna, Isabela matapos na maideklara bilang drug cleared municipality sa Lalawigan ng Isabela.
Ngayong araw ay pormal nang idineklara ng Philippine Drug Enforcement Agency ng Region 2 na malinis na sa droga ang bayan ng Luna.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Capt Jonathan Binayug, hepe ng PNP Luna, mayroong 19 na barangay ang sakop ng nasabing bayan kung saan 14 na barangay dito ay apektado ng droga habang 5 naman ang drug free na kinabibilangan ng brgy. Concepcion, Lalog 2, Macugay, San Isidro at Union Kalinga.
Nagtapos na rin aniya sa Community Based Rehabilitation Program (CBRP) ang 100 na naitalang tokhang responder’s sa kanyang nasasakupan.
Aniya, dodoblehin pa ng kanyang tropa ang pagbabantay sa kanilang nasasakupan upang mabantayan at mapigilan ang pagpasok ng droga sa kanilang lugar.
Samantala, bagamat walang nakuhang parangal ang mga tokhang responders ng bayan ng Luna sa katatapos na Mini Sports and Disaster Olympics sa City of Ilagan na nilakuhan ng mga tokhang responders mula sa iba’t-ibang bayan ay masaya naman si PCapt Binayug dahil sa ipinakitang pakikiisa ng mga tokhang responders ng Luna.
Kaugnay nito, handa umano ang kanilang mga tokhang responders na makatuwang ng mga otoridad sa rescue operations sa panahon ng sakuna.