PNP Luna, Mayroon nang Gabay sa Lalaking Na-Hit and Run

19

Cauayan City, Isabela- Mayroon nang sinusundang gabay ang mga kasapi ng Luna Police Station kaugnay sa lalaking nabiktima ng Hit and run makaraang gabi sa pambansang lansangan ng Brgy. Harana, Luna, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt Melchor Aggabao, hepe ng pulisya, sinabi niya na ipapaberipika na sa Land Transportation Office (LTO) ang kanilang nakuhang plate number ng isang puting pick up matapos na may lumabas na mga witness sa insidente.


Ayon aniya sa mga nakakita, mabilis umano ang patakbo ng pick up na may nakakabit na trailer bed patungong bayan ng Cabatuan, Isabela at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay biglang humiwalay ang trailer bed at napunta sa kabilang linya.

Dahil sa mabilis na impak ng pagkakatanggal ng trailer bed ay hindi na nakaiwas ang kasalubong na motorsiklo na minamaneho ng biktima na nakilalang si Elizar Abad Jr., nasa hustong gulang, reisidente ng Brgy. Paraiso, Cabatuan, Isabela.

Agad namang umalis ang suspek na sakay ng pick-up matapos ang insidente.

Dead on the spot ang biktima matapos na magtamo ng matinding pinsala sa ulo sa kabila na mayroon itong suot na helmet.




Facebook Comments