Muling magbabahay-bahay ang Philippine National Police (PNP) para sa pagpapatupad nang mas pinaigting na kampanya kontra iligal na droga na Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) Program.
Ayon kay PNP Officer-in-Charge Police Lt. General Rodel Sermonia, layon nitong kumbinsihin ang mga drug dependent na boluntaryong sumuko at sumailalim sa drug rehabilitation.
Kasunod ng pangakong hindi magiging madugo ang kampanya ngayon ng PNP sa iligal na droga dahil kanilang nirerespeto ang karapatang pantao ng bawat isa.
Ang BIDA Program ay isang adbokasiya na layong mabawasan ang demand para sa iligal na droga sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga komunidad sa pamamagitan ng iba’t ibang anti-drug activities at pagpapaigting ng drug awareness campaign lalo na sa mga kabataan.
Matatandaang noong nakalipas na administrasyon ay nagsagawa rin ng house visitation sa mga drug personality ang PNP bilang bahagi ng Oplan Tokhang na mula sa salitang bisaya na “knock and plead.”