PNP, Magdedeploy ng mahigit 70,000 na pulis para sa holiday season

Para matiyak ang ligtas at payapang kapaskuhan, pinag-igting ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad sa buong bansa sa ilalim ng programang “Ligtas Paskuhan 2025.”

Aabot sa mahigit 70,000 na pulis, mahigit 6,000 auxiliary units, at mahigit 24,000 na assets ang ide-deploy sa mga simbahan, pangunahing kalsada, terminals, malls, pasyalan, at sa itinakdang fireworks zones, lalo na sa December 24 at 31.

Ayon kay Acting PNP Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang malakihang deployment ng mga kapulisan ay layuning masigurong ligtas ang publiko at mabilis na matugunan ang anumang insidente.

Kaugnay nito, magdadagdag din ang PNP ng mga K9 units sa mga pantalan, mga Explosive Ordinance Disposal (EOD) teams para sa mga pampublikong lugar, at mga medical units para sa posibleng firecracker-related injuries.

Pinaiigting din ng PNP ang monitoring sa mga holiday scams, na inaasahang magiging talamak ngayong holiday season.

Muli namang nagpaalala ang PNP tungkol sa mga pinagbabawal na uri ng paputok, dahil maaari itong magdulot ng disgrasya.

Facebook Comments