Maghahain ng Motion for Reconsideration ang Philippine National Police (PNP) sa kaso ni Julian Ongpin matapos itong ibasura ng Korte Sa La Union.
Ayon kay PNP Chief Lt. Gen. Dionardo Carlos, may utos na siya sa La Union Provincial Police Office na makipag-ugnayan sa La Union Prosecutor’s Office para sa ihahaing Motion for Reconsideration.
Pinaiimbestigahan na rin nito kay Police Brig. Gen. Emmanual Peralta, regional director ng Ilocos Regional Police Office kung ano ang pagkakamaling nagawa ng kanilang mga pulis kaya natalo sila sa kaso dahil sa technicality.
Sinasabing umabot sa 12 gramo ng cocaine ang nakuha sa kwarto nina Ongpin at ang namatay nitong girlfriend na si Bree Jonson sa isang resort sa San Juan, La Union.
Ngunit sa desisyon ni Judge Romeo Agacita Jr. ng San Fernando, La Union RTC, nagkaroon umano ng kapabayaan sa panig ng mga pulis sa Chain of Custody ng mga nakumpiskang iligal na droga.
Hindi raw agad minarkahan ang mga ito sa lugar kung saan ito nakumpiska at ang mga sachet ng mga pinaniniwalaang iligal na droga ay hindi minarkahan ng isa-isa kundi pinagsama-sama ang mga ito.