PNP, magiging aktibo pa rin sa social media pero tiniyak na susunod sa social media standards

Target ng Philippine National Police (PNP) na maging aktibo pa sa social media para maipaalam ang mga programa at aktibidad ng PNP patungkol sa public order and safety.

Ito ang sinabi ni Police Maj. Gen. Dionardo Carlos, Director ng Directorate for Police Community Relations (DPCR), kasunod ng kontrobersyal na pag-alis ng Facebook sa halos 200 fake accounts na umano’y konektado sa PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon kay Carlos, mababa ng social media engagement ng PNP partikular ang pagtugon sa mga problemang ipinaparating sa kanila ng publiko.


Aniya sa 1, 776 na official social media accounts ng PNP ay 25 porsyento lang ang aktibo.

Nangangahulugan na kaunti lang sa mga reklamo at impormasyon na ipinaparating sa kanila ng publiko ang naaksyunan, malayo sa kagustuhan ng pamunuan ng PNP na dapat ay agad na inaaksyunan ang mga sumbong at impormasyon na ipinaparating sa kanila.

Samantala, nagpaalala naman si Carlos sa hanay ng PNP na laging sumunod sa mga protocol sa paggamit ng social media dahil pananagutan ng mga pulis at ng kanilang mga units ang anumang impormasyon na kanilang inilalahad dito.

Facebook Comments