Isinasapinal na ng Philippine National Police (PNP) ng guidelines para sa mga pulis na vlogger.
Ayon kay PNP Directorate for Police Community Relations Director Maj. Gen. Edgar Alan Okubo, wala pa sa ngayong pormal na polisiya ang PNP tungkol sa kanilang mga miyembro na aktibo sa social media bilang vlogger, pero sinisimulan na ang pagbuo ng mga panuntunan.
Aniya, katatapos lang ng unang boot camp para sa mga PNP vlogger, para maturuan sila ng tamang presentasyon sa mga ipinalalabas nila sa soc med.
Mahalaga aniya na ang kanilang content ay nakahanay sa misyon at bisyon ng PNP.
Mayroon na kasi aniyang mga dating police vlogger na nagkamali at napangaralan na upang masiguro na hindi malalabag ang mga patakaran ng PNP sa kanilang mga presentasyon.
Paalala naman ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., sa mga pulis vlogger, na iwasan ang pag-post nang hindi kagalang-galang na content.